Friday, August 15, 2008

kawalan....

Nakaupo sa gitna ng kawalan, nag-iisip, nagmumuni-muni, at naghihintay ng magbubukas ng isang liwanag. Hanggang kailan ba ako maghihintay? Hanggang kailan ako magiging mag-isa dito sa mundo ko? Gusto ko lang may umabot ng mga kamay ko at akayin ako tungo sa liwanag na ninanais ko? May magkakagusto bang gawin ito para sa akin? Mayroon ba? Kailan? Sino?

Sabi nila mas gugustuhin daw ng tao na mag-isa, pero ano naman ang mapapala mo sa pagiging mag-isa? Ano kaya ang mangyayari sa buhay mo kapag wala kang makasama?

Nabuhay ako ng walang taong inaasahan, walang taong nilalapitan at taong tinatakbuhan. Ganyan ako! Eh anong pakialam mo? Pag nasaktan ako, hindi ko na gugustuhin na sabihin pa sa iba. Ni hindi ko na susubukan pang makipag-usap sa mga taong nakapaligid sa akin, ayoko silang makasama, mga plastic lang naman sila, mga taong walang magawa sa kanilang buhay kundi manghusga, mang-asar at mangutya. Ewan ko ba? Maiinis lang naman akong kausapin sila.

Kinaiinisan ko ang sarili ko minsan, hindi ko kasi malaman kung bakit ganito ako sa sarili ko at sa kapwa ko. Minsan kasi naiinis ako sa mga taong nakapaligid sa akin, pero nanatiling katanungan pa rin yun sa aking isip, bakit nga ba? Ano bang meron sa kanila at ganito ang pakikitungo sa kanila? Bakit? Bakit? Bakit? Maaring yung mga bagay na nangyari na sa aking nakaraan na hindi ko na maalala, pero nanatiling gumagambala sa aking puso’t isip. Ni hindi man lang maalala ng aking kaisipan kung ano yung mga bagay na iyon.

Minsan naiisip ko na nga lang na “bakit ganito ang buhay ko? Bakit nanatili akong ganito sa kapwa ko? Bakit marami akong bagay na hindi ko maintindihan sa sarili ko?” Hindi ko kasi talaga alam kung paano? Paano makitungo sa kapwa ko. Naiilang at nahihirapan akong lapitan sila. Mahirap para sa akin na gawin ang mga bagay na alam kong magkakamali ako. Mahirap rin para sa akin na ipilit at pilitin ang sarili ko sa isang bagay na talagang hindi naman pupuwede. At pag nagkamali pa ako, sigurado may masasabi pa sila laban sa akin.

Sa totoo lang hindi ko na makita pa ang liwanag na hinahanap ko sa buhay. Yung daang patungo sa tamang landasin. At maggagabay sa akin tungo sa isang tunay na ligaya. Ayoko na ng sakit! Ayoko ng hirap! Ayoko na! Sawang-sawa na ako! Suko na! Tama na! Itama na! Ayoko ng masikip! Ayoko ng putik!

Nawala na nga ba ako ng tuluyan? Hindi ko na kaya pang makita ang daan. Puro putik na ang aking damit at mukha ko’y nadungisan na. Masakit na ang paa ko sa katatakbo palayo mula sa kanila. Masakit na ang isipan ko kakaisip ng paraan para matakasan ang isang madilim na kahapon. Masakit na ang mga palad ko, kakahawak sa mga bagay na nagpapahirap sa akin. Masakit na ang kalamnan ko, pati na ang lalamunan ko kasisigaw. Pagod na pagod na ako, hirap na hirap. Masakit na ang aking puso’t isip, dahil tinarakan ito ng pait. Pait na nagsisilbing balaraw na nakatarak sa kailaliman ng aking puso’t isipan. At nananatiling nagpapaagos ng dugo sa aking kamalayan.

Bawat pahina ng aking buhay ay isang alaala ng tuwa’t pighati. Bawat takbo ng istorya ko’y pagtakas sa isang kahapong kay lupit. Bawat alaala’y nagdadala ng luhang hindi mapigil sa pag-agos.

At hanggang ngayon ang aking buhay ay nananatili pa ring nakatago sa isang lugar na hindi ko malaman kung paano makakalabas. Nananatiling nakaupo sa gitna ng isang dilim. Pero ito pa rin ako at umaasa sa pagdating ng isa o maraming taong hihila sa aking makalabas dito. Sana ay dumating na ‘yung araw na mahatak na ako sa dilim na kinalalagyan ko. Maaaring maghintay na lamang ako sa tamang panahon at tamang pagkakataon.

2 comments:

and jassy said...

nyc lo!'
naka post na d2 haha.
KWALAN!! =))

ueng said...

hahaha...

ou nmn noh...

nilagay q kaagad eh...